Pantawid ng Pag-ibig: Higit 1,000 rubbing alcohol, bottled water hatid sa ilang LGUs

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 08:39 PM | Updated as of Mar 30 2020 09:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Malaking pagsubok para kay Osmon Palad, isang construction worker na mula Muntinlupa City, ang kasalukuyang enhanced community quarantine ngayong wala siyang trabaho nang isang buwan.

Kaya't bukod sa pantustos sa pang araw-araw na gastusin, pangamba rin niya ang kaligtasan ng kaniyang pamilya.

"'Yong kinita namin sa noong huling linggo na nasa trabaho kami, 'yun lang ang pinagkasya tapos wala nang natira," ani Palad.

Isa si Palad sa mga nais tulungan ng Kapamilya network sa kalulunsad lamang na "Pantawid ng Pag-ibig" campaign.

Sa paglunsad ng kampanya, isa sa mga unang tumugon ang Lucio Tan Group Inc. Nasa mahigit 1,000 kahon ng tubig at alcohol ang naipamigay sa iba't ibang government units.

Layon ng "Pantawid" campaign na maabot ang mga pamilyang katulad ni Palad na labis na naapektuhan sa patuloy na paglaban ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Naiulat din ang plano ng Lucio Tan Group Inc. na simulan ang paggawa ng mga disinfectant, partikular na ang alcohol, na ipamamahagi sa frontliners. 

Samantala, malaki ang pasasalamat ni Allen Ampaya, chairman ng Barangay Poblacion sa Muntinlupa City, sa mga tumutulong sa kanila.

"Nagpapasalamat po kami sa mga tao na patuloy na tumutulong, at sumusuporta dito po sa problema natin na ito," ani Ampaya.

Bukod sa Muntinlupa, naabot na rin ang tulong sa mga siyudad ng Pasay, Parañaque, Las Piñas, Taguig, Pateros, Pasig, San Juan, Mandaluyong, Quezon City, Marikina, Navotas, Malabon, Caloocan, at Maynila.

Iikot pa ang ABS-CBN kasama ang mga partners sa lokal na pamahalaan.

Patuloy na aalalay at magbibigay ng pag-asa ang ABS-CBN sa mga Kapamilya.

Maaaring mag-donate ng tulong-pinansiyal dito:

Nagpapasalamat din ang ABS-CBN sa mga bagong partner gaya ng Century Pacific Food Inc., Rebisco, Suy Sing Corporation, McDonald's, Quick Chow Noodles, Mega Sardines, Nestle - Bear Brand, Great Taste 3-in-1, Sunsilk Shampoo, Safeguard, Hana Shampoo, Champion Detergent, Unilab, Ritemed, at Generika Drugstore.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.