PatrolPH

Online seller kalaboso sa pagbebenta ng overpriced N95 mask, alcohol

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 03:08 AM

Arestado ang isang online seller matapos ireklamong nagbebenta umano ng overpriced medical supplies sa Isabela nitong Biyernes ng umaga.

Sa entrapment operation ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela, nasamsam sa 24 anyos na suspek mula sa Barangay Marabulig I, Cauayan City ang 31 pirasong bote ng ethyl alcohol at 38 pirasong N95 face mask.

Ibinebenta ng suspek sa halagang P300 kada 550 ml ang ethyl alcohol ngunit ayon sa inilabas na suggested retail price (SRP) ng Department of Trade and Industry (DTI), P61-P74.25 lang dapat ang presyo ng naturang size ng ethyl alcohol.

Nakalagay lang din ito sa mga plastic bottle kaya kinukumpirma din kung lehitimong ethyl alcohol ang ibinebenta ng suspek.

"Depensa nung suspek, reseller lang siya nung product at ganun din yung presyo ng supplier niya," ayon kay Police Lt. Col. Arturo Marcelino, hepe ng CIDG Isabela.

Ibinebenta naman ng suspek ang disposable N95 protective facemask sa halagang P150 kada piraso, doble o triple ng SRP na nasa P45-P105.

Inihahanda na ang reklamo laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.