Ilang senior citizens, doble ingat sa gitna ng pangamba sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 05:54 PM | Updated as of Mar 21 2020 10:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Paglalaba ang hanapbuhay ng senior citizen na si Teresita Naniong, pero dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19), hindi siya makalabas ng bahay at makapagtrabaho.

“Malaking bagay po itong pagkain na bigay na tulong sa amin. Ilang araw na namin itong papakinabangan,” ani Naniong, na umaasa sa ayuda na relief goods mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Ilang araw na ring hindi lumalabas ng bahay si Juana Hilahil, isang health center staff sa Cubao. 

Pero kapag lalabas siya, sinisigurado naman niyang nag-iingat siya kontra sa COVID-19, na mas mapangamba para sa mga matatanda at mga may sakit. 

“Talagang doble ingat kung lalabas kami ng bahay hindi kami humahalo sa karamihan at laging may suot na face mask,” ani Hilahil.

Paliwanag ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, kinatawan ng World Health Organization sa Pilipinas, “mas mapanganib” na mahawaan ng COVID-19 ang mga matatanda. 

Iginiit niya rin ang kahalagahan ng pag-alaga sa mga ito. 

“We should protect our elderly and senior citizens against the danger of COVID-19, they’re very vulnerable,” ani Abeyasinghe. 

Para sa mga may kaanak na senior citizens, payo ng mga eksperto na ugaliin ang kalinisan sa tahanan, ang paghuhugas ng kamay at ang paggamit ng hand sanitizer. 

Kung may kaanak na frontliner, ipinayo rin nila na huwag nang lumapit sa mga nakakatandang kasama sa bahay. 

— Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.