Frontliners na bantay-checkpoint sa Maynila, Cagayan hinatiran ng pagkain, masks

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 02:29 PM

Patuloy ang pagmamalasakit ng ilan sa pagbabahagi ng pagkain at face masks sa frontliners. Mga larawan mula kina Leonor Alfonso at Mauro Manuel

MAYNILA - Patuloy ang pagmamalasakit ng ilan sa pag-aabot ng pagkain at face masks sa frontliners na todo-kayod sa gitna ng ipinapatupad na enhanced community quarantine sa Luzon bilang pagpigil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Muling namigay ng food packs sa Sampaloc, Maynila ang Bayan Patroller na si Leonor Alfonso. 

Nasa 50 food packs at tubig ang handog niya at ang kaniyang kasamahan sa mga pulis na nagmamando sa checkpoint sa Gulod at Calabash. 

Sa Solana, Cagayan naman namigay ng face masks at pagkain para sa mga pulis, sundalo, at frontline workers ang Bayan Patroller na si Mauro Manuel noong Marso 20. 

Miyembro si Manuel ng grupong Saving Vulnerable Education and Dreams na nag-ambagan para makapagbigay ng 170 food packs at higit 100 face masks. May mga nag-donate din umano. 

Plano pang mamahagi ng grupo sa iba pang parte ng Cagayan sa mga susunod na araw.

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, pinaigting ang seguridad at naglatag ng checkpoints para mapigilan ang paggalaw ng mga tao. Suspendido rin ang pampublikong transportasyon, eskuwela at trabaho, maliban sa frontliners at mga sektor na may kinalaman sa basic services. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.