Bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases higit 300 na: DOH

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2020 07:29 PM | Updated as of Mar 21 2020 09:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumalo na sa higit 300 ang bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), habang 1 ang nadagdag na patay at 5 ang gumaling na, ayon sa Department of Health.

Sa huling tala ng ahensiya, nasa 307 na ang kabuuang kaso, nasa 19 ang kabuuang patay, at 13 ang gumaling na.

Sa huling tala, lima ang nadagdagan na gumaling sa nasabing virus.
Dito, 4 ang senior citizens.

Kabilang sa mga gumaling ang mag-asawang senior citizen na sina PH16 at PH17 na taga-San Juan City.

Na-discharge naman sa ospital sa Makati City ang isang 75 anyos na babae na may travel history sa Estados Unidos at na-expose sa taong may COVID-19.

Gumaling din ang isang 72 anyos na lalaki na taga-Batangas na noon ding na-expose sa kaso ng COVID-19.

Isang 73 anyos na babae na taga-San Juan naman ang naitalang patay ngayong Sabado. Wala siyang travel history at nagpositibo sa virus noong Biyernes.

Sinasabing ang mga matatanda ang pinaka-"vulnerable" sa sakit, ayon sa mga eksperto.

Sinabi rin ng DOH na papaspasan nila ang pagsusuri ng mga taong may virus kasabay ng pagpapatayo ng mga karagdagang laboratoryo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.