Sistema ng parking sa Maynila inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 07:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inirereklamo ng ilang residente at motorista ang umano'y nakakalitong sistema ng Manila Traffic and Parking Bureau
(MTPB) sa pagpapatakbo ng trapiko at pagpaparada sa Maynila.

Ito ay matapos umanong maningil ang MTPB ng parking fee sa mga puwestong noon ay isinailalim sa clearing operations dahil sa illegal parking.

Nagsagawa ng clearing operation sa kahabaan ng Sabino Padilla St. sa Binondo, Maynila noong Marso 7 ang MTPB at Metropolitan Manila Development Authority kung saan pinaalis ang mga nakahambalang sa daan.

Ngunit makalipas ang dalawang araw nakuhanan ng CCTV ng barangay ang pag-alalay ng isang tauhan ng MTPB sa pagparada ng isang trak sa naturang kalye.

Kuwento ng truck driver na si Efren Roxas, siningil umano siya ng P60 sa pagpaparada.

"Sabi ko, 'sa'n ba puwede magpa-park?'... Dito raw," aniya.

Kinumpirma ng MTPB na tauhan nila ang nasa video at aminado sila sa paniningil ng parking fee.

Bagay ito na inireklamo ng ilang miyembro ng barangay hall, gaya ni Paula Masangque, na secretary sa Barangay 290 sa Maynila.

"Napaka-unfair po. Sila ang nag-complain sa amin, sila rin pala ang nag-o-operate," aniya.

Tingin ng urban transport sector expert na si Rene Santiago na nakakalito para sa mga motorista ang ganitong klaseng pamamalakad ng parking.

Sa ilang lugar pinapayagang pumarada sa mga inner streets ang mga sasakyan tulad ng Padilla Street at kailangan lang nilang magbayad ng parking fee.

Sa bahagi ng P. Ocampo sa Malate, 126 na parking slot ang nakalaan para sa Bangko Sentral ng Pilipinas, na binabayaran ng central bank sa lokal na pamahalaan ng P7 milyon kada anim na buwan.

Sa Binondo, 80 porsiyento ng mga negosyante at residente naman ang kumukuha rin ng parking slot sa kalsada at nagbabayad sila ng P100 kada slot bawat araw.

Ayon kay MTPB Parking Chief Dennis Alcoreza, napupunta umano ang kanilang kinokolektang parking fee sa pondo ng siyudad.

"Sa general funds ng city. Kasama sa P15 bilyon na nakokekta ng city, para sa school hospital, infrastructure at social services," ani Alcoreza nang tanungin kung saan napupunta ang nalilikom na pondo.

Aminado ang MTPB na hindi nakakatulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko ang pagpaparada ng mga sasakyan sa lansangan.

Kung nakakaapekto na raw ito sa trapiko, inirerekomenda ni Santiago na ibalik ang lumang sistema ng MMDA na noo'y Metro Manila Commission kung saan may poder ang MMDA sa daloy ng trapiko sa mga secondary roads gaya ng Sabino Padilla St.

Sang-ayon dito ang MMDA ngunit dapat aprubahan pa raw ito ng Metro Manila Council.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.