PatrolPH

Sanggol, muntik nang maagaw sa yaya sa Dagupan City

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 03:25 PM | Updated as of Mar 21 2019 03:59 PM

DAGUPAN CITY - Kumalat sa social media ang muntik na umanong pagdukot sa isang sanggol sa Dagupan City Miyerkoles.

Ayon kay alyas "Myrna," ikinuwento sa kaniya ng kaniyang kasamang kasambahay ang tangkang pagdukot sa alaga nitong 4 na buwang sanggol.

Pilit umanong kinukuha ng dalawang taong sakay ng motorsiklo ang sanggol alas-7 ng umaga sa labas ng kanilang subdivision sa Barangay Bonuan Gueset.

Nakasanayan na umano nilang ipasyal sa labas ng subdivision ang bata tuwing umaga.

"Isang lalaki na naka-helmet at babae na naka-shade, sabi nung babae ibigay mo nga sa akin 'yung alaga mo, at pinakukuha ng amo mo, sabi naman ng yaya, sino ka ba, hindi masabi nung babae, kaya nagkutob na 'yung kasama ko," ani Myrna.

Ayon naman sa home owners association ng subdivision, kahit may mga nakatalagang guwardiya sa subdivision, maraming nakapapasok sa loob dahil wala itong perimeter fence.

Nakipag-ugnayan na umano sila sa barangay para higpitan ang seguridad sa lugar.

Agad namang nag-imbestiga ang pulis sa nangyari. Pinuntahan na rin nila ang pamilya ng batang muntik nang ma-kidnap.

Paalala ng awtoridad sa mga magulang, ingatan ang mga anak para maiwasang mabiktima ng kidnapping.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.