Peace consultant, dating pari inaresto; mga kaalyadong grupo pumalag

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 06:22 PM | Updated as of Mar 21 2019 10:02 PM

Arestado ang consultant ng National Democratic Front (NDF) at isang retiradong pari sa pinagsamang operasyon ng pulisya at militar sa Cavite noong Miyerkoles. 

Pasado alas-5 ng hapon ay pinasok ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Special Action Force (SAF), at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang bahay sa Imus, Cavite kung saan inabutan sina Renante Gamara at Arturo Joseph Balagat. 

Central committee member at consultant ng (NDF) si Gamara na matagal nang pinaghahanap dahil sa mga kasong kidnapping with murder at frustrated murder.

Inaresto na siya noong 2012, pero pinalaya noong 2016 para sa peace talks sa Oslo, Norway. 

Tumutulong naman sa kanilang grupo ang retiradong pari na si Balagat at nagkakanlong umano sa mga rebelde.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ang bahay ni Balagat kung saan nakuha ang dalawang granada, gadgets, baril, subersibong mga dokumento, at ₱90,000 na cash. 

Sinabi ni Police Lt. Gen. Archie Gamboa na naging posible ang operasyon dahil sa binuo nilang joint task force.

Bagama't itinuturing ng PNP at AFP na malaking tagumpay ang pagkakaaresto sa mga rebelde, kontra naman dito ang ibang grupo.

"Mukha talagang sinasarado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinto sa resumption ng peace talks," ani ACT party-list Rep. Antonio Tinio.

Sa pahayag naman ng grupong KARAPATAN, nanawagan silang palayin sina Gamara at itigil na ang umano'y political persecution sa mga peace consultants. —Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.