PatrolPH

Mga nasunugan sa QC naghanap ng mapagkakakitaan sa mga natupok na gamit

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 08:11 PM

Watch more News on iWantTFC

Paano nga ba magsimula sa wala?

Para kay Hanna Abrantes, ito ay sa pamamagitan ng pagkalkal sa mga nasunog na gamit gamit ang kutsara.

Isa ang pamilya ni Abrantes sa 750 pamilya na nawalan ng tirahan noong Miyerkoles sa sunog na tumama sa Barangay Damayang Lagi, Quezon City.

Ligtas si Abrantes at ang kaniyang 4 na anak pero wala silang gamit na naisalba.

"Ubos po ang gamit, walang naisalba kaya ano'ng mapagkakaperahan para may pambili [ng] kahit paisa-isang masuot ng bata," ani Abrantes.

"Mas maganda pa pong manakawan kaysa masunugan," dagdag niya.

Hindi nag-iisa si Abrantes dahil marami sa mga nasunugan sa Barangay Damayang Lagi ang nangalakal ng mga nasunog na gamit para magkapera.

Wala ring natirang kahit ano sa bahay ng pamilya ni Marivic Casibang.

Dali-dali siyang lumikas nang sumiklab ang apoy at nagsimulang sumabog ang mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) malapit sa kanila.

Si Casibang at ang 9 niyang anak ay ilan lang sa daan-daang nagpalipas ng gabi sa kalsada. 

"Wala na po kaming titirhan, wala kaming pampinansiyal, wala," sabi ni Casibang.

"Sana tulungan nila kami," aniya.

Aabot sa P2.5 milyon ang halaga ng pinsala sa sunog na lumamon sa 250 bahay, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa lawak ng sunog, idineklara ng BFP ang general alarm, ang pinakamataas na alarma na nangangahulugang lahat ng bombero sa National Capital Region ay kailangang sumaklolo.

SANHI NG SUNOG

Lumalabas sa imbestigasyon ng BFP na nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag ng isang pinauupahang bahay sa lugar.

May 2 anggulong tinitingnan ang BFP sa sanhi ng sunog.

"Doon sa electrical appliances na naiwan... and 'yong as per doon sa 2 witnesses na nakuha natin, may mga bata doon na naglaro," ani Jaime Ramirez ng BFP sa Quezon City.

Walang nasawi sa sunog pero 9 ang naitalang sugatan.

Watch more News on iWantTFC

Nagpadala naman ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) ng 10 temporary shelter para sa mga residente. 

Hinatiran din ng food packs, mga damit, bottled water at mainit na pagkain ng Lingkod Kapamilya ang mga pamilyang nawalan ng tahanan.

-- May ulat nina Jeff Canoy at Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.