Mekaniko inirereklamo sa pagsasangla ng van-for-rent

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 04:12 PM | Updated as of Mar 21 2019 11:27 PM

Pinaghahanap ngayon ang isang mekaniko na modus umano ang pagtangay at pagsasangla sa pinaparentahang mga sasakyan sa Bulacan. 

Kuwento ng isa sa mga biktimang si Eric Martin, nagpapaupa siya ng van para may dagdag-kita para sa kaniyang pamilya. Malaki rin kasi ang gastusin para sa kaniyang misis na may kanser. 

Disyembre 2018 nang lapitan umano siya ng kaniyang mekanikong si Luisito Cervantes na nagsabing rerentahan ang van niya ng P3,000 kada araw dahil may darating na kaanak na balikbayan si Cervantes. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong una ay nabayaran pa ni Cervantes si Martin pero hindi nagtagal ay pumalya na raw ito sa pagbabayad. 

Kinalauna'y inamin umano ni Cervantes na isinangla niya sa Value All Things Pawnshop sa Pandi, Bulacan ang van ni Martin gamit ang mga pinekeng papeles. 

Sinubukan umanong kunin ni Martin ang van mula sa sanglaan pero ayaw itong ibigay ng may-ari ng pawnshop na si Jon Jon Antonio.

Ganito rin ang nangyari sa isa pang biktimang si Eduardo Santos noong Oktubre, na kikita dapat ng P2,700 kada araw kung hindi tinangay ang sasakyan. 

Nakapagrenta na rin umano si Cervantes noong Abril at maayos naman daw ang naging bayaran; ngunit sa ikalawang pagpaparenta ni Santos ay nasabihan siya na isinangla sa Value All Things Pawnshop ang kaniyang sasakyan. 

"'Yung sa unang sasakyan ko okay, noong nakaraang taon walang problema. Noong huli na 'to nagkaproblema dahil sila nagmaneho 'di kasama driver ko," ani Santos. 

Muntik pa raw maipasa sa iba ang kaniyang sasakyan gamit din ang pekeng papeles. 

Ayon kay PCI Gilbert Mendova, chief investigator ng Highway Patrol Group Region 3, maaaring kasuhan ng carnapping si Cervantes.

Maaari namang makasuhan ng anti-fencing ang pinagsanglaan kapag napatunayang nasa kaniya ang isang sasakyang idineklarang nakaw, dagdag ni Mendova. 

Nakapaghain na ng reklamo si Martin sa Department of Justice ng kasong carnapping laban kay Cervantes at paglabag sa anti-fencing law kontra sa may-ari ng pawnshop.

Tumangging humarap sa camera ang may-ari ng Value All Things Pawnshop pero anila, wala silang kaalam-alam na may nagsampa ng mga reklamo. Iginiit din nilang handa silang makipag-usap sa mga nabiktima ni Cervantes. 

Pinuntahan din ng News team ang bahay ni Cervantes pero mula Enero ay hindi na raw ito umuwi, ayon sa kaniyang ina. 

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.