Konsehal sa Leyte arestado sa ilegal na pangingisda

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 07:25 PM

ALBUERA, Leyte - Huli ang isang konsehal sa isang operasyon laban sa ilegal na pangingisda dito sa bayan kamakailan. 

Nagsagawa ng operasyon ang Fisheries Protection Law Enforcement Group ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at mga pulis sa karagatan ng Albuera noong ika-15 ng Marso.

Nahuli sa operasyon ang isang commercial fishing vessel na pagmamay-ari ni Konsehal Miguel Retuya na siya ring kapitan ng bangka.

Kasama rin sa naaresto ang master fisherman na si Leonardo Batican at engineman na si Gino Escoton.

Inaresto sina Retuya dahil wala umano silang naipakitang dokumento para mangisda sa municipal waters.

"Ang active gear is bawal sa municipal waters then commercial vessel intrusion siya," paliwanag ni BFAR Regional Director Juan Albaladejo.

Nasampahan na ng kasong administratibo si Retuya. Sunod naman siyang sasampahan ng kasong kriminal.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kunin ang panig ng konsehal pero tumanggi muna itong magbigay ng pahayag. 

Muling tumatakbong konsehal sa bayan ng Albuera si Retuya.