PatrolPH

Isa pang suspek sa gang rape sa Tondo, timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 08:25 AM

Isa pang suspek sa gang rape sa Tondo, timbog 1
Fred Cipres, ABS-CBN News

MAYNILA - Arestado ang ikaapat na suspek sa umano'y panggagahasa ng isang 16 anyos na babae sa Tondo, Maynila.

Nahuli ng mga pulis ang 19 anyos na suspek sa Lacson St., Barangay 117, Zone 9, Tondo.

Una nang nahuli ang 3 miyembro ng grupo na tinatawag na "Tondo F***boys." May edad silang 18, 20, at 25.

Sa isang group chat ng mga suspek na nakita ng pulisya, makikita na pinagtawan pa ng mga suspek ang kanilang ginawa.

Napag-alaman din ng mga pulis na vinideohan ng mga suspek ang insidente nang marekober ang cellphone ng biktima.

Patuloy na tinutugis ang 3 pang kalalakihan. Nilinaw ni Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo ng Raxabago Police Station na 7 lahat ang sangkot sa gang rape.

Kuwento ng biktima, Martes ng madaling-araw nang ayain siya ng inuman ng isang suspek na malapit niyang kaibigan.

Ilang tagay lang, nawalan siya ng malay na pinaghihinalaan ng pulisya na nilagyan ng gamot ng mga suspek.

Nagising nalang siya na hubo't hubad at may nakapatong umano sa kaniya na lalaki.

Humihingi ngayon ng tulong ang nanay ng dalagita na mabigyan ng hustisya ang kaniyang anak. Pamamalantsa lamang ang tanging pangkabuhayan nila.

"Hingi po sana ako ng tulong kay sir President Rodrigo Duterte. Bigyan niyo po sana ng hustisya ang panggagahasa sa anak ko," aniya. - Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.