Driver na nagpaharurot ng jeep, ayaw magbaba ng pasahero inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 07:21 PM | Updated as of Mar 21 2019 08:14 PM

Screenshot mula sa video ni Bayan Patroller Lois Miranda

Inireklamo ang isang jeepney driver sa Cavite dahil sa tuloy-tuloy na pagpapaharurot ng minamanehong jeep at hindi pagpansin sa mga pasaherong gustong bumaba. 

Sa video ng Bayan Patroller na si Lois Miranda, maririnig ang pakiusap sa driver ng kapwa niya pasahero na kinilalang si Dennis Solana na ihinto na nito ang jeep. 

Pero tila walang naririnig ang driver at tuloy-tuloy sa pagmamaneho hanggang nagsigawan na ang ibang pasahero, base sa video.

Ayon kay Miranda, bago pa ito ay hindi na maganda ang asta sa kanila ng driver at pabalang ito kung makipag-usap.

"Para talaga siyang wala sa wisyo na lahat kami pumapara na, wala siyang pinapakinggan, dire-deretso siya, umo-overtake siya lahat ng puwedeng ma-overtake," ani Miranda.

Puno raw ang jeep at may sakay na matatanda at bata. Kinabahan umano sila dahil sa matulin na pagpapatakbo ng driver kaya sabay-sabay silang nakiusap na pababain sila.

Huminto naman ang driver at humingi ng paumanhin pero tumawa pa raw, ayon kay Miranda.

Inireklamo ni Miranda sa pulisya si Solana.

Tiniketan si Solana para sa overspeeding at reckless driving pero hindi na siya nagpaliwanag sa naging asal.

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan na ng Land Transportation Office (LTO) sa Tagaytay City ang insidente.

Ipatatawag ng LTO ang driver, operator, at mga pasahero ng jeep para makausap.

"This is very alarming on our side, hindi po ordinary violation po ito, this is a threat to all passenger," ani LTO-Tagaytay acting Assistant Chief Eugene Peji.

"This is against our advocacy on road safety, hindi ito puwede baliwalain," dagdag niya.

Hinikayat ng LTO ang iba pang pasahero ng jeep na lumutang at magsampa ng reklamo laban sa driver.

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.