PatrolPH

Bagong silang na sanggol, nakuha sa landfill sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 07:40 PM

TUGUEGARAO CITY - Natagpuan ang isang sanggol na babae sa sanitary landfill sa Sitio Caronsi ng Barangay Bayo sa lungsod na ito Huwebes ng umaga.

Ayon kay Vicente Blancad, hepe ng Public Order and Safety Department, naghahalukay sa mga dumating na basura ang mga trabahador nang makita nila ang isang berdeng garbage bag.

“Pagbukas nila sa garbage bag, tumambad yung sanggol. Ang sabi sa akin, buhay pa yung sanggol,” ayon kay Blancad.

Pero sa pagsusuri ng rescue team, wala nang buhay ang sanggol.

Hinala rin ng awtoridad na bagong silang ang sanggol dahil nakakabit pa ang umbilical cord nito.

Inaalam ngayon ng awtoridad kung sino ang magulang na nagtapon sa sanggol.

Pero hindi isinasantabi na galing ito sa Barangay Caritan Centro dahil dito naghakot ang isa sa mga dumptruck.

“Malamang yung dumptruck na naka-assign sa Caritan Centro dahil open yun e. Imposible kasing sa Barangay Caggay kasi yung garbage truck na nag-ikot doon ay roller type, madudurog yung sanggol,” dagdag ni Blancad.

Nakalagak ngayon sa isang punerarya sa lungsod ang mga labi ng sanggol. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.