Amerikanong abogado, tutulong sa mga biktima ng pangmomolestiya ng pari sa Biliran

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 10:17 PM

TACLOBAN CITY - Pumunta sa Pilipinas ang isang Amerikanong abogado para tulungan ang mga biktimang umano'y minolestiya ng isang kababayan niyang pari sa bayan ng Naval, Biliran.

Nitong Huwebes, humarap sa media ang abogadong si McDonald Worley mula Texas. Pumunta siya sa Naval para tulungang magsampa ng kaso ang mga naging biktima ni Fr. Kenneth Hendricks, isang ring Amerikano. 

Una nang inaresto ang pari dahil sa mga reklamo ng pangmomolestiya sa Pilipinas at sa Estados Unidos.

Nanatili sa Naval sa loob ng 40 taon si Hendricks hanggang sa maaresto ito noong Disyembre.

Kinausap na ni Worley ang 9 na biktima umano ni Hendricks para makakuha ng mga ebidensiya para sa kaso.

Hinikayat rin niya ang iba pang biktima na lumutang na at magsampa na rin ng kaso laban sa pari.

"It's important that you come forward. It's embarrassing that it happened and it's a horrible thing, but if you do not come forward, it will keep on happening, it will happen to other people," ani Worley.

Ayon pa kay Worley, sa kasong sibil, maaring pagbayarin ng danyos ang Simbahang Katolika at si Hendricks kung ipag-uutos ito ng jury sa Amerika. 

"If the jury says you have to pay these people certain amount of money, yes you can have a judgement against him," aniya.

Ang pamahalaan ng Pilipinas ang magsasampa ng kasong kriminal laban kay Hendricks.