PatrolPH

8 patay sa magkakahiwalay na buy-bust ops sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2019 06:10 PM | Updated as of Mar 21 2019 11:59 PM

Walong umano’y drug pusher ang napatay sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng mga pulis sa iba't ibang lugar sa Laguna mula Martes hanggang Huwebes. 

Unang sinalakay ng mga pulis ang kinaroroonan ng target na si Baltazar Lagunoy sa Barangay San Antonio, San Pedro City, kung saan nagkaputukan pa. 

Nang humupa ang palitan ng bala, nakita na lang nakahandusay si Lagunoy, isang tricycle driver. Katabi ng kaniyang bangkay ang isang kalibre .45 na baril.

Watch more on iWantTFC

"Malaking kawalan po si Baltazar dahil sa pagiging traysikel drayber niya, marami po siyang nagiging kliyente. Inirereklamo din siya ng kaniyang stepdaughter ng kasong rape," sabi ni Police Lt. Col. Giovanni Martinez, hepe ng San Pedro City police.

Sa Sitio Tramo sa Barangay Canlalay, Biñan City naman, napatay din ng mga pulis sa buy-bust operation si Joseph Jones na notoryus umanong drug pusher.

"Nagtutulak na nga tapos isa pang akyat-bahay sa lugar ng Canlalay," ani Police Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan City police, patungkol sa nasawi. 

Sa Barangay Langkiwa sa Biñan City pa rin, sumalakay ang mga pulis sa isang bahay nang may mag-tip na may nagaganap na drug session doon. 

Lima ang arestado at nakumpiska sa kanila ang mga sachet ng hinihinalang shabu.

Sa loob lamang ng dalawang araw ay umabot na daw sa 19 na operasyon ang isinagawa ng Biñan City police.

"Kulang-kulang 50 ang naaresto natin, 13 sa illegal drugs. May na-rescue tayo na bata, may nahuli tayong nagsusugal, at may huli rin sa prostitusyon," ani Mendoza. 

Kung susumahin ang datos ng Laguna police mula Martes ng gabi hanggang Huwebes ng tanghali, walo ang napatay sa droga sa iba't ibang lugar. 

Bilang ng mga napatay sa drug ops: 

  • San Pedro City → 1
  • Biñan City → 2
  • Cabuyao City → 1
  • Calamba City → 1
  • Sta. Cruz → 1
  • Lumban → 1
  • Calauan → 1

Nanindigan naman ang pulisya na lehitimo ang lahat ng kanilang operasyon.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.