Wanted sa robbery-holdup, timbog dahil sa social media post

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 11:48 PM | Updated as of Feb 04 2020 04:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang lider ng isang 'notoryus' na robbery-holdup group at drug pusher sa Biñan, Laguna.

Natunton ng mga pulis ang suspek na kinilalang si John Joe Exconde sa pamamagitan ng mga post nito sa social media.

Sa isa sa mga post nito, makikita ang tila pagbabanta ni Exconde habang hawak ang kalibre .38 na baril.

Makikita rin sa isa pang video ang paggamit ni Exconde at dalawa pang lalaki ng ilegal na droga sa loob ng isang bahay.

Nabawi sa suspek ang kalibre .38 na baril, mga bala, at tatlong sachet ng hinihinalang shabu. 

Ayon kay Supt. Gauvin Mel Unos, hepe ng Biñan City police, modus ng grupo ni Exconde ang mangholdap habang nakamotor.

Nakuha naman sa cellphone ng suspek ang mga retrato nito habang suot ang isang maskarang ginagamit tuwing sila ay nanghoholdap.

Kinasuhan na ng paggamit, pagbebenta ng ilegal na droga, at illegal possession of firearms si Exconde, habang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulis para madakip ang iba pa niyang kasamahan.

--Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.