Tauhan ni Jinggoy Estrada kinasuhan ng Ombudsman

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 01:07 PM

MANILA - Kinasuhan ng Office of the Ombudsman ngayong Miyerkoles ang isang mataas na opisyal mula sa tanggapan ni dating senador Jinggoy Estrada.

Ayon sa Ombudsman, nabigo na magdeklara ng kaniyang mga ari-arian sa taong 2008 at mula 2010 hanggang 2012 si Pauline Labayen, deputy chief of staff ni Estrada.

Hindi anila nakalagay sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ni Labayen ang kaniyang real estate property sa Malate, Maynila at condominium unit sa Makati.

Sinampahan siya ng perjury at paglabag sa code of conduct and ethical standards for public officials and employees sa Sandiganbayan.

Si Labayen ay kapwa akusado ni Estrada sa mga kaso sa Sandiganbayan hinggil sa maanomalya umanong paggamit ng pork barrel ng mula 2007 hanggang 2009.

Nasa P278 milyon ng mga naturang pondo ang napunta sa mga pekeng non-government organizations ng negosyanteng si Janet Lim Napoles at P184 milyon umano rito ang kinamal ni Estrada, ayon sa Ombudsman.

Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.