Nangangasiwa sa billboard na nagpalabas ng porno, pinagpapaliwanag

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 12:32 PM | Updated as of Mar 21 2018 01:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pansamantalang inihinto ang operasyon ng malaking digital billboard ng Executive Building Center sa kanto ng Makati Avenue at Buendia sa Makati.
    
Ito ay matapos magpalabas ng malaswang video ang naturang billboard Martes ng hapon.

    
Iniimbestigahan na ang insidente at pinagpapaliwanag ng Makati City Hall ang kompanyang nangagasiwa sa electronic billboard.
    
Matagal na umano ang LED sa lugar at kumpleto naman ng mga dokumento ang kompanya para mag-operate.

“Sa amin sila kumukuha ng permit nila to operate ng billboard, but in terms of content itself, hindi kami ang nagre-regulate niyan,” ani Makati City Mayor Abigail Binay.

Ayon sa law expert, maaaring magsampa ng kaso ang Makati City Hall o sinumang nakapanood ng malaswang video laban sa mga nagpabaya.

“Puwede siya sa Anti-Voyeurism Act. Pero, maiiba 'yung sagot ko kung itong dalawang 'to, ginawa ito for commercial purposes... so hindi siya magiging Anti-Voyeurism Act, magiging exhibition siya ng indecent shows,” sinabi ng abogadong si Atty. Claire Castro.

Sarado na ang opisina ng kompanya nang tangkang kuhanan ng pahayag. Wala pa rin silang inilalabas na paliwanag sa nangyari.
    
--Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.