Nangangasiwa ng 'porno billboard,' maaaring bawian ng permit

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 07:53 PM | Updated as of Feb 04 2020 03:15 PM

Watch more in iWantTFC

May pananagutan ang nangangasiwa sa digital billboard sa Makati sa pagpapalabas ng porno noong Martes kahit mapatunayang sila ay biktima ng "malicious attack," ayon sa administrador ng Makati City. 

Ayon kay Makati City Administrator Claro Certeza, may ordinansa ang lungsod na nagbabawal na magpalabas ng mga malalaswang materyal.

"Obligasyon nila na bantayan maigi dahil ito'y nakikita ng lahat," sabi ni Certeza.

Posibleng bawian ng permit ang Globaltronics at tuluyan na itong hindi makapagpalabas ng mga patalastas. 

"Kung na-determine natin na ito'y sinadya, mayroong revocation itong kaakibat. Ibig sabihin, hindi na sila bibigyan ng pahintulot na mag-operate ng advertising sign," dagdag niya.

Ayon sa opisyal na pahayag ng Globaltronics maaaring isang "malicious attack" ang nangyari.

Kasalukuyan nang nakapatay ang billboard.

Humingi rin ng tulong ang Globaltronics sa cybercrime division ng Philippine National Police para imbestigahan ang insidente, na nangyari sa billboard ng Executive Building Center sa kanto ng Makati Avenue at Buendia.

Nakuhanan ng netizen na si Mulong Sermonia ang pagpalabas ng sensitibong video sa billboard. Ibinahagi niya ito sa social media pero agad din itong na-take down ng Facebook dahil sa malaswang laman. 

Sa kabila nito, patuloy na kumalat ang mga larawan ng insidente sa social media dahil marami ang naka-screengrab, nag-share, at nag-repost.

Para kay Sermonia, na 16 taon nang specialist sa information technology, hindi maaaring na-hack ang billboard gaya ng sinasabi ng nangangasiwa.

"Miscommunication sa dalawang tao o kung isang tao, nanonood siya ng porn, hindi niya alam naka-public iyong computer niya," sabi ni Sermonia.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Outdoor Advertising Association, kung saan miyembro ang Globaltronics, hangga't hindi pa natatapos ang imbestigasyon.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.