Naaksidenteng Dimple Star bus, 'nawalan ng preno'

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 09:12 PM | Updated as of Dec 12 2018 07:33 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nasa 19 katao ang patay habang 21 ang sugatan nang mahulog ang pampasaherong Dimple Star Bus sa bangin sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro nitong Martes ng gabi. 

Isa si Allen Sanchez sa mga pasahero ng Dimple Star Bus na nakaligtas nang mahulog ito sa 10 metrong lalim na bangin sa Sitio Yapang sa Barangay San Agustin.

Nasa ikawalong upuan si Sanchez nang mapansin ng mga kapwa pasahero na mabilis ang takbo ng bus, kaya nakiusap sila na bagalan ang takbo.

Pero sinabi umano ng drayber na nawalan na ng preno ang sinasakyang bus.

Tumama umano ang bus sa mga bato at puno bago bumaligtad, at dumiretso sa hukay ng ginagawang flood control protection ng tulay.

"Nagkamalay po ako, marami nang patay sa tabi ko, nandu'n sa labas ng bus, nagsampay-sampay" ani Sanchez. 

Kuwento naman ng isang drayber ng pampasaherong van, nag-overtake pa sa kaniya ang bus bago nahulog.

Galing sa San Jose, Occidental Mindoro ang Dimple Star Bus at patungo sana sa Sampaloc, Maynila pero pagsapit sa pa-zigsag at pababang kalsada, doon na nangyari ang aksidente. 

"Naka-hand brake pa po itong sasakyan, tapos naka-engaged pa sa gear, ibig sabihin po, 'yung drayber nag-attempt pa rin na makontrol," ani Chief Inspector Jeny Magan, officer-in-charge ng Sablayan police.

"Yung durability po nito, wala na, maganda lang po sa pintura pero 'yung loob wala na po," dagdag pa nito.

Kabilang din sa mga nasawi ang drayber na si Edwin Ebuenga at konduktor na si Arno Panganiban.

Nagbigay na ng ayuda ang lokal na pamahalaan ng Sablayan sa mga pamilya ng nasawi.

"'Yung mga gastos sa pag-embalsamo, 'yun muna ang aming sinagot kagabi, 'yung transportation, puwede naming matulungan sila," ani Alfredo Ventura, municipal administrator ng Sablayan.

Ikinakasa na ng Sablayan LGU na magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Dimple Star Bus at mga pamilya ng mga biktima para matiyak ang tulong.

Dalawa pa ang hindi nakikilala sa 19 na nasawi.

Samantala, isinailalim na sa preventive suspension ang 10 unit ng Dimple Star na biyaheng San Jose, Occidental Mindoro, at itinakda na ang hearing sa ikatlong linggo ng Abril.

Agad ding nag-inspeksiyon sa mga terminal ng bus ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Inuna nila ang terminal ng Dimple Star sa EDSA.

Hindi na pinabiyahe ang dalawang bus na patungong Iloilo dahil bagsak sa inspeksiyon.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang Dimple Star Bus sa aksidente na ikinasawi ng mga pasahero nito. 

Noong Hulyo 2011, tatlo ang patay matapos mahulog mula sa Skyway sa Sucat Exit ang isa sa kanilang bus.

May tatlo pang aksidenteng kinasangkotan ang naturang bus na naitala mula 2013 hanggang 2014, kung saan apat ang patay at 58 ang sugatan. --Ulat ni Dennis Datu at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.