Ilang negosyante sa beach ng La Union, nangangambang ma-'Boracay'

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 11:51 PM

Nangangamba ang ilang negosyante sa barangay Urbiztundo, San Juan, La Union, ang tinaguriang "surfing capital of the North," na baka ipasara rin sila ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) tulad ng ginagawa sa Boracay. 

Ayon kasi sa Environmental Management Bureau (EMB) sa Region 1, noong 2014 nai-record ang pinakamalalalang fecal coliform sa dagat ng Urbiztondo kung saan umabot ito sa 2.8 million milliliters (ml).
    
Pero sa huling record noong 2017, bumaba ito nang husto at nasa 200 ml na lamang.

Ang fecal coliform ay mula sa dumi ng tao at iba pang warm-blooded animals na maaaring pagmulan ng iba't ibang sakit.
 
Sa ngayon, patuloy umano ang pagbaba ng fecal coliform ngunit sadya raw talaga itong tumataas kapag tag-ulan.
    
Isa sa mga nakikitang dahilan dito ay hindi raw kasi sementado ang septic tank ng nasa 300 bahay at mga establisimyento sa lugar.

"Ang plano namin, mag-construct ng waste water-treatment dito sa parte ng Urbiztondo para sa mga household, para lahat ng tubo nila bago dumaloy sa dagat eh ma-treat muna para di ma-contaminate 'yung dagat natin," ani San Juan Mayor Arturo Valdriz.

Sa Huwebes ay magkakaroon ng Regional Coastal Area Summit sa Bauang, La Union at inaasahang tatalakayin ng DENR, mga local government unit, at mga negosyante ang environmental concerns sa San Juan beach.

Posibleng ipasara ng lokal na pamahalaan ang mga establisimyentong mapatutunayang lumalabag sa environment code.

Nangangamba naman dito ang ilang mga parokyano at negosyante sa posibleng pagpapasara ng mga negosyo sa lugar. 

Bukod kasi sa higit 30 malalaking establisimyento gaya ng mga hotel at restaurant, may maliliit na negosyo rin malapit sa dagat.
    
Karamihan, nag-aalok ng training sa surfing.
    
"Sana naman po hindi kasi hindi naman kami permanent structures and I think we're doing our part para sa turismo ng San Juan," ani Menchie Par, presidente ng La Union Surf Club.

--Ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.