Dating kalihim ng DPWH, 33 iba pa, inireklamo ng plunder, graft

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 06:30 PM

Humarap si dating DPWH Secretary Rogelio Singson sa isang pagdinig sa Senado ukol sa mga proyekto ng kagawaran noong December 11, 2017. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong plunder at graft si Public Works Secretary Rogelio Singson at 33 iba pang tauhan ng ahensiya kaugnay ng umano'y "road-right-of-way" project scam sa General Santos City.

Inihain ang reklamo sa Office of the Ombudsman.

Nag-ugat ang reklamo mula sa whistleblower na si Roberto Catapang Jr. na sumulat kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ukol sa umano'y anomalya sa Region 12 at 13.

Aniya, miyembro siya ng sindikatong namemeke umano ng mga titulo ng lupa sa Mindanao.

Ang mga titulong pinepeke ay iyong mga lupang pasok sa "right-of-way" projects o mga lupang babayaran para magamit sa proyekto ng gobyerno.

Sabi ni Catapang, kabilang sa sindikato ang ilang taga-Department of Public Works and Highways, Land Registration Authority, ilang korte, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Kumita umano ng halos P8.7 bilyon ang mga pekeng titulong in-overprice.

Ayon pa kay Catapang, ang mastermind ng sindikato ay isang nagngangalang Wilma Mamburam na nangongolekta ng bayad mula sa gobyerno sa pamamagitan ng paghahain ng dokumentong nagsasabing naaapektuhan umano ang ilan niyang private properties dahil sa ginagawang national road.

Pero lumalabas na ang siyam sa claims for compensation ay pawang mga bogus o peke.

Base rin sa imbestigasyon ng NBI, ang humiling ng pondo mula sa Department of Budget and Management para dito ay ang mismong si Singson.

Inaantabayanan pa ang panig ni Singson kaugnay sa reklamo, pero dati na niyang itinangging may kinalaman siya sa umano'y scam.

"Sino bang natutuwa dito sa ganito? Tapos na 'ko ng anim na taon, babalikan ka pa," ani Singson sa isang panayam noong Disyembre.

Si Singson ay naging pinuno ng DPWH noong administrasyon ni dating Pangulo Benigno Aquino III. 

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.