2 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 04:45 PM | Updated as of Mar 21 2018 06:01 PM

Dinala nasa estasyon ng pulisya ang driver ng PUJ na siya umanong may kasalan sa karambola na ikinasugat ng dalawang motorista, Marso 21, 2018, sa Barangay Maasin, Zamboanga City. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Sugatan ang dalawang motorista matapos magkarambola ang tatlong sasakyan sa highway ng Caragasan sa Barangay Maasin dito, Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng isang pampasaherong jeep nang hindi mapansin ng drayber ang isang kotse at motorsiklo na bumagal ang takbo sa kaniyang harapan.

Inararo ng jeep ang 2 sasakyan na ikinasugat ng driver ng motorsiklo na si Randy Paduhilao at kaniyang kasama.

Agad silang isinakay sa dalawang ambulansiya para dalhin sa ospital.

Mariing itinanggi ng drayber ng jeep na kasalanan niya ang aksidente. 

Naunang nagbanggaan daw ang kotse at motorsiklo sa gitna ng daan kaya’t hindi na siya nakapag-preno at nakaiwas sa 2 sasakyan.

Itinuro naman ng driver ng kotse na ang jeep ang siyang nakabangga sa kaniyang sasakyan at sa motorsiklo.

Matulin umano ang takbo ng jeep at dahil pakurbada ang daan, hindi napansin ng driver ang mga naunang sasakyan.

Dinala sa police station ang mga sasakyang nadamay sa banggaan, kasama na ang driver ng jeep.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na sa mga accident-prone area. Mainam din ugaliin ang defensive driving, anila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.