2 miyembro ng Highway Patrol, arestado sa 'kotong' sa Batangas port

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 09:55 PM | Updated as of Dec 12 2018 04:11 AM

Arestado sa entrapment operation ang dalawang miyembro ng civilian auxillary ng Highway Patrol Group (HPG) na nahuling nangongotong umano sa mga truck driver sa Batangas Port.

Sa surveillance operation ng Counter Intelligence Task Force (CITF) ng Philippine National Police, naaktuhan ang pagbibigay sa mga suspek ng pera ng mga driver na pasakay ng RORO (roll-on/roll-off).

Kakasuhan ng robbery-extortion ang mga suspek na nakuhanan ng higit P2,000 marked money. 

“Pagpasok nila sa port, hinaharang sila ng mga naka-unipormeng sibilyan ng HPG, hinaharang 'yung truck at pinapasok doon sa loob, hinihingan sila ng P40 to P100 depende do'n sa cargo kasi tinatanong sila kung anong laman ng mga truck,” ani CITF Commander Senior Supt. Jose Chiquito Malay.

Paniwala ng CITF, may basbas ito ng pulis kaya naman pagpapaliwanagin nila ang HPG unit commander sa Batangas Port.

"'Yung in-charge po doon na dapat nandoon siya at nangyari 'yung crime, mayroon po siyang pananagutan either criminally or administratively," ani Malay.

Abangan ang kabuuang detalye nitong report mamaya sa Bandila sa Channel 2.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.