2 'holdaper' patay sa engkuwentro sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 04:37 AM

MAYNILA - Patay ang 2 hinihinalang holdaper sa engkuwentro sa Ermita, Maynila Martes ng madaling-araw.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, naghihintay ng masasakyan ang isang lalaki at isang babae nang holdapin ng mga kawatan alas-2 ng madaling-araw.

Natangay ang bag at cellphone ng mga biktima na agad nakapagsumbong sa mga awtoridad.

Nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga kawatan na lulan ng motorsiklo at mga pulis. Pagdating sa McArthur Bridge, nagpaputok umano ang mga kawatan kaya nauwi ito sa engkuwentro na dahilan ng kanilang pagkamatay.

Kasalukuyang pinoproseso ng SOCO ang crime scene at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga namatay. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.