178 hatchlings ng pawikan, pinakawalan sa Puerto Princesa

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2018 10:31 PM | Updated as of Dec 12 2018 07:33 AM

Pinakawalan ang 178 hatchlings ng pawikan sa Puerto Princesa nitong Miyerkoles. ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY - Gamit ang kanilang mga munting palikpik ay dahan-dahan na sinuong ng mga maliliit na pawikan ang buhangin papunta sa karagatan.

Malakas man ang mga alon ay kinaya nilang languyin ang kalaliman ng dagat.

Ganito ang eksena alas-5 ng hapon nitong Miyerkoles sa Nagtabon Beach, Barangay Bacungan sa Puerto Princesa City, Palawan, kung saan 178 hatchlings ng pawikan na Olive Ridley turtle ang pinakawalan sa dagat.

Enero 26 nang makita ng Bantay Pawikan sa lugar ang nasa mahigit 100 itlog. Habang noong Enero 27 ay 99 na itlog naman ang kanilang natagpuan sa dalampasigan ng Nagtabon Beach.

Agad nila itong binakuran at binantayan hanggang mapisa kaninang umaga.

Ayon sa DENR, bihira nang makita ang ganitong klase ng pawikan.

"Medyo rare iyan na na o-observe sa Palawan, pero dito sa west coast fortunate tayo na marami ng hatchlings ng Olive Ridley turtle," ani Ma. Vivian Soriano, hepe ng Conservation and Development Unit ng DENR-CENRO.

Importante daw na pabayaan silang mag-isang bumalik sa dagat upang matandaan nila ang lugar na kanilang pinagpisaan.

"Natural silang magka-crawl back sa sea para ma-imprint sa kanilang utak ang lugar na ito. Para pagdating (ng panahon) na puwede na sila mag-nest dito rin sila babalik," ani Soriano.

Tuwang tuwa naman ang mga turista sa lugar na first time makakita ng mga pawikang ibinalik sa karagatan.

"That was beautiful. Hopefully, they will make it," ani Andreas Dobrescu, isang turistang Aleman.

"Malaking tulong ito dahil napapalawak yung information dessimination sa mga turistang dumadalaw dito sa Nagtabon," ani Bonifacio Tobias, project manager ng Candis 3 Marketing Cooperative, isang USAID-funded Project.

Nagsimula noong 2015 ang proyekto ng Candis 3 Marketing Cooperative na mag-alaga at magbantay sa mga pawikan sa west coast ng Puerto Princesa City hanggang sa bayan ng Aborlan.

Mula noong 2015, nasa 15,000 na na hatchlings ng pawikan ang kanilang pinakawalan.

Sa Nagtabon Beach, mahigit 1000 na itlog na ng pawikan ang napisa at naibalik sa dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.