Eskwelahan sa bilangguan, bubuksan sa Davao City

Vina Araneta, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2017 12:58 AM

DAVAO CITY — Maaari nang maipagpatuloy ng mga bilanggo ang pag-aaral sa kolehiyo dahil ngayong Hunyo ay bubuksan na ang pinakaunang eskwelahan sa loob mismo ng bilangguan.

Minamadali na ang paggawa sa eskwelahan na itinatayo sa loob mismo ng Davao City Jail. May limang classrooms na gagamitin para sa araw-araw na klase na uumpisahan na ngayong Hunyo.

Mayroon ding library at mini-auditorium ang eskwelahan na mag-aalok ng limang kurso. Kabilang sa mga kursong i-aalok ay ang Political Science, Psychology, Humanities, Education at Information Technology.

Ayon kay Chief Inspector Pio Rosero, tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology, layunin ng proyekto na bigyan ng mas magandang buhay ang mga bilanggo kapag natapos nila ang kanilang sentensiya.

"Brainchild of Davao City Jail administration in collaboration with USEP (University of Southeastern Philippines) at tinatawag nating social entrepreneurship institute, funded by University of Texas . . . at least nakatapos na sila ng tertiary education, makakuha sila ng disenteng trabaho at may posibilidad na hindi na sila babalik dito," ani Rosero.

Ikinatuwa ito ng inmates na sina "Louie" at "Kevin" na may kasong illegal drugs. Hindi kasi sila nakapagtapos ng kolehiyo dahil nakulong sila.

Nag-aaral ng accountancy si Louie habang nag-aaral naman ng nursing si Kevin.

Ang faculty ng USEP sa Davao City ang magtuturo sa mahigit 200 bilanggo na makakapasa sa diagnostic test.

Maliban sa eskwelahan, may livelihood assistance program din ang Davao City Jail kung saan gumagawa ng mga alkansya, ash trays at iba pa ang mga bilanggo.

Ayon kay "Jared," nakakatulong ito sa pangangailangan nilang mga inmates dahil nakakapagpadala rin sila ng pera sa kanilang mga pamilya.