Bata, patay matapos makuryente sa GenSan

Giesaril Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2017 09:48 PM

GENERAL SANTOS CITY — Patay ang isang 2 taong gulang na batang babae matapos makuryente sa Barangay Fatima sa bayang ito.

Ayon kay Police Senior Inspector Nestor Maderse, chief of police ng Police Station 7 sa barangay, nagwe-welding ang ama ng bata mga 8 p.m. nitong Lunes sa kanilang bahay sa Purok 13B.

Lumapit daw ang ina ng bata karga ito, at umupo sa duyan na nasa tatlong metro lang ang layo sa pinag-we-weldingan ng kanyang ama.

May tatawagan sana ang ina nito pero biglang bumaba ang bata sa duyan at hinawakan ang welding machine na noo'y nakabukas.

Hinabol pa ito ng nanay pero hindi na niya ito naabutan. Agad binawian ng buhay ang biktima.

Paalala ng otoridad sa mga magulang, bantayang maiigi ang mga anak para malayo sa anumang kapahamakan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.