PatrolPH

Bail petition hearing ni De Lima, natapos na

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2023 06:21 PM

Dumalo si dating senador Leila De Lima ng hearing sa Muntinlupa Regional Trial Court, Pebrero 27, 2023. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Dumalo si dating senador Leila De Lima ng hearing sa Muntinlupa Regional Trial Court, Pebrero 27, 2023. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Tinapos na ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256 nitong Lunes ang bail petition ni dating senador Leila de Lima kaugnay ng kinakaharap nitong kaso na pagkakasangkot sa iligal na droga.

Muling personal na dumalo sa pagdinig si De Lima na bantay sarado ng mga pulis.

Sabi ng abogado nito na si Atty. Bonifacio Tacardon, sumalang sa pagdinig ang huling testigo ng prosekusyon na si Jojo Baligad.

Sumentro lang aniya ang testimoniya ni Baligad sa umano’y pagkakasangkot nito sa illegal drug trade pero hindi nito nabanggit ang pangalan ni De Lima kaya hindi na idinaan sa cross examination.

“Isang mabilis at maiksing hearing ang nangyari ngayon... at natapos namin ito dahil for the first time, walang nabanggit tungkol kay [former] senator Leila de Lima, kaya hindi na rin kami nag-cross,” ani Tacardon.

Dahil dito, sinabi ni Tacardon na maituturing na nilang tapos ang petition for bail para sa dating senador at hihintayin na lang ang magiging resolusyon ng korte rito.

Ayon kay Tacardon, binigyan ng korte ang panig ng prosekusyon ng 10 araw para magsumite ng “formal offer of evidence” habang ang panig ng depensa ay mayroong limang araw para magbigay ng kanilang komento.

Matapos nito ay magiging submitted for decision na ang petition for bail ng dating mambabatas.

Umaasa ang kampo ni De Lima na maglalabas na rin ng desisyon ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng dating senador.

“Nananalangin kami na ito ay madesisyunan nang maaga at sana makita ng hukuman ang mga argumento na malamang ay magbibigay na ng piyansa para kay senator De Lima,” sabi ni Tacardon.

Gaya ng dati, walang naging panayam kay De Lima at taas kamay ito sa harap ng media nang bumaba at sumakay sa coaster ng PNP na naghatid sa kanya sa korte.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.