PatrolPH

P408,000 halaga ng shabu nasamsam sa 'drug group member' sa QC

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2022 08:04 AM

Ebidensiyang nakuha noong Marso 19, 2022 sa pagkakahuli ng isa umanong miyembro ng drug group sa Quezon City. Retrato mula sa Quezon City Police District
Ebidensiyang nakuha noong Marso 19, 2022 sa pagkakahuli ng isa umanong miyembro ng drug group sa Quezon City. Retrato mula sa Quezon City Police District

Aabot sa P408,000 halaga ng shabu ang nakumpiska nitong Sabado sa isang lalaking sinasabing miyembro ng drug group sa Quezon City, ayon sa pulisya.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si alyas "Jerome," 24, at miyembro umano ng Dimaano drug group. Nahuli siya sa operasyon sa Barangay Unang Sigaw.

Nakumpiska mula sa suspek ang 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000, buy-bust-money at cellphone na ginamit sa transaksyon.

Ayon sa pulisya, ang Dimaano drug group ang kilalang nasa likod ng bentahan ng ilegal na droga sa lungsod at mga karatig-lugar.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Samantala, arestado ang pinaniniwalaang notoryus na "motornapper" sa Tondo, Maynila matapos maharang ng pulisya sa ikinasang operasyon.

Kinilala ang suspek bilang si alyas "John," isang tricycle driver at residente ng Barangay 161.

Kinuha umano ng suspek ang nakaparadang motor sa harap mismo ng bahay ng biktima sa Gamban Street, Tondo.

Matapos ang follow-up operation, namataan ang nakaw na motorsiklo sa may Solis Street sa Tondo, na dadalhin na umano sana sa isang online buyer.

Kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Law ang haharapin ng suspek.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.