PatrolPH

Pulis patay sa hit-and-run sa Zambales

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2021 09:32 AM

Pulis patay sa hit-and-run sa Zambales 1
Mula sa San Narciso police

Nasawi ang isang pulis matapos siyang mabangga habang nagmamaneho ng motorsiklo sa national highway sa San Narciso, Zambales nitong Biyernes.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bumabaybay si Police Cpl. Rexie Manalo sa kahabaan ng Gov. Archimedes Villanueva Sr. National Highway sa Brgy. Simminublan nang mawalan siya ng kontrol sa minamanehong motorsiklo dahil madulas ang daan.

Natumba umano ang kaniyang motorsiklo. Dahil dito, ang mini-truck na nakasunod sa kaniya ay bumangga sa biktima, dahilan para maipit si Manalo. 

Pero imbes na huminto, humarurot umano paalis ang mini-truck sa pinangyarihan ng insidente.

“Naramdaman niya 'yon, pero hindi siya huminto,” ani Police Senior Master Sgt. Marlon Bada ng San Narciso police.

Patuloy ang pangangalap ng CCTV ng pulisya malapit sa pinangyarihan para maplakahan at mapanagot ang tumakas na driver ng mini-truck.

-- Ulat ni Gracie Rutao
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.