PatrolPH

Petrolyo may rollback dahil sa Europe AstraZeneca suspension, travel restrictions

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2021 04:54 PM

Petrolyo may rollback dahil sa Europe AstraZeneca suspension, travel restrictions 1
Nagkakarga ng gasolina ang isang empleyado ng gas station sa gasolinahan sa Quezon City, Hulyo 20, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Inaasahang bababa ang presyo ng diesel at kerosene habang wala namang paggalaw ang presyo ng gasolina sa Martes, Marso 23. 

Ayon sa mga taga-industriya, kabilang sa mga dahilan ay ang pagsuspende ng coronavirus disease (COVID-19) AstraZeneca vaccinations at travel restrictions sa ilang bansa sa Europa. 

 Inaasahang pagbaba ng presyo:

  •  Kerosene - P0.40 - P0.50/litro 
  •  Diesel - P0.40 - P0.50/litro
  •  Gasolina - walang galaw 

Tinatayang bababa nang P0.40 hanggang P0.50 kada litro ang presyo ng diesel at kerosene. 

Wala namang galaw ang presyo ng gasolina. 

Matatandaan na pansamantalang itinigil ng ilang bansa sa Europa ang pagpapaturok ng AstraZeneca nang mapaulat na mayroong nakakaranas ng blood clot sa mga natuturukan nito. 

Pero kalaunan naman ay pinayagan na ang paggamit nito nang sabihin ng European Medicines Agency (EMA) na ligtas na gamitin ang bakuna. 

Hinigpitan din ang border control at travel restrictions sa ilang bansa sa lugar bunsod ng mga pagtaas ng kaso ng COVID-19 doon. Halimbawa rito ay ang France, na nag-lockdown kamakailan sa paghataw ng COVID-19 cases sa lugar. 

Kung mananatili din umano ang pagsipa ng COVID-19 cases, malaki-laki ang inaasahang rollback sa presyo ng langis sa international market sa susunod na linggo. 

-- May mga ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.