PatrolPH

Mga magbababoy may agam-agam sa hirit ng DA na piggery clustering

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2021 07:42 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA - May agam-agam ang ilang magbababoy sa plano ng Department of Agriculture (DA) na magsagawa ng clustering ng mga piggery sa bansa.

Target ng DA na gawin ang piggery clustering sa loob ng tatlong taon pero para sa grupong Pork Producers Federation of the Philippines, masyado itong matagal. 

"Ang clustering e sa ngayon hindi tama yan dahil aabutin nga yan ng tatlong taon o limang taon. Hindi ka pa nakakasigurado kung makakabalik ang supply ng baboy. Ang dapat niyang gawin mabilis na aksyon dahil napakalaki ng problema, malaking budget ang kailngan natin," ani PROPORK Vice President For Luzon Nicanor Briones. 

Sa clustering, hindi na puwede ang tig-iisang piggery sa bawat backyard hog raiser. 

Kailangan nang magsama-sama ng mga backyard raiser na mabibigyan ng mga package na tutulong para maiwasan ang pagpasok ng African swine fever (ASF). 

"Ang ibig sabihin ng clustering ay yung mga backyard raisers magsama-sama sila parang mag-organize sila as isang grupo tapos as a group or as cluster sila ang mabibigyan ng package, repopulation package ang tawag namin para as a group magkaron sila ng mas modern biosecured housing facility para hindi na mapasukan ng ASF," ani DA Asec William Medrano.

Matatandaan na nasapol ng African swine fever ang industriya at nagdulot ng mga matitinding taas-presyo ng mga baboy partikular na sa Kamaynilaan dahil sa kakulangan ng suplay. 

Sang-ayon naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura sa plano ng DA. Pero giit nila, kailangang planuhin ito nang mabuti ng ahensiya. 

"Dapat maayos 'yung pagkagawa. 'Yung biosecurity kasi dapat isolated sya and bagong place hindi 'yung tinamaan na yung place tapos maglalagay sila, dapat ipakita muna yung total plan before mag-start ito, hindi kasi gano'n kabilis," ani SINAG chairman Rosendo So. 

Panawagan ng PROPORK sa DA na makipagdayalogo muna sa kanila at ilatag nang maigi ang plano sa clustering ng mga piggery. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.