Ilang barangay sa Isabela isinailalim sa granular lockdown

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2021 09:40 PM | Updated as of Mar 20 2021 10:00 PM

Ilang barangay sa Isabela isinailalim sa granular lockdown 1
Kuha mula sa MENRO Roxas.

Isinailalim sa "granular local zoning containment" ang ilang barangay sa Roxas, Isabela para matugunan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Sa datos ng LGU Roxas, nasa mahigit 100 na ang bilang ng aktibong kaso na naitala sa mga barangay ng Vira, Bantug, Rizal, San Placido, Nuesa, San Antonio, Marcos, Rang-ayan, San Rafael, Munoz West, Simimbaan, San Jose, Quiling at San Luis.

Puspusan na ang contact tracing kung saan ay mahigit 80 indibidwal ang natukoy na suspected cases o pinaghihinalang kinapitan ng sakit.

Sa pagsisiyasat ng LGU Roxas, local transmission o hawahan ng mga tao na nagsimula sa palengke ang dahilan ng biglaang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa lugar.

Ipinatupad na rin ang containment strategy sa Roxas Public Market habang masusing isinasagawa ang disinfection ng mga puwesto. 

Tanging mga puwesto na nagbebenta ng mga essential goods ang pinahintulutang magbukas, pero mula alas-8 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon lang ang kanilang operasyon.

Itinuturing na ngayon na nasa “critical level” ang estado ng COVID-19 cases sa Roxas kung kaya isinailalim noong March 14 ang buong bayan sa General Community Quarantine (GCQ) alinsunod sa Executive Order No. 2 ni Mayor Jonathan Jose Calderon.

Inaprubahan na ng Regional Inter-Agency Task Force ang implementasyon ng GCQ na magtatagal hanggang March 27.

Sa ilalim nito, pagbabawalang lumabas ng bahay ang mga residente maliban na lang kung para sa essential needs o may transaksyon sa bangko.

Mahigpit na ipatutupad din ang “No Mask, No Entry” policy sa mga pampublikong lugar, curfew hours mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, at liquor ban. 

Pinahintulutan pa rin na magbukas ang mga food establishment, pero hindi sila pwedeng magpa-dine in, habang ipagbabawal ang anumang uri ng mass gathering. 

Susunod naman sa mandatory home o facility quarantine ang mga residente na gustong umuwi ng Roxas at manggagaling sa ibang lugar. 

Plano rin ng LGU Roxas na isailalim sa genome sequencing ang sample ng mga nagpositibo sa virus para matukoy kung ang kumapit sa mga residente ay ang bagong variant ng COVID-19 na sinasabing mas mabilis makahawa. -- Ulat ni Harris Julio