PNP nagbabala: Mga pasimuno ng 'fake news' tungkol sa lockdown sa social media kakasuhan

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 07:34 PM

Nagbabala ang Philippine National Police na kakasuhan nila ang mga nagpapakalat ng "fake news" habang nasa ilalim ng lockdown ang buong Luzon. 

Kalat kasi ngayon sa text at social media ang mga ulat patungkol sa umano'y lumalalang sitwasyong pangseguridad na dala ng enhanced community quarantine, partikular na sa Kamaynilaan. 

Bagay na itinuring na "fake news" ng PNP ang mga kumakalat na krimen. Maaari kasi umanong magdulot ng panic at kalituhan sa komunidad ang pagkalat ng nasabing posts.

"This is a warning to everybody because based on the Revised Penal Code, as amended on stiffer penalties under Republic Act No. 10951, you can be punished by disseminating, posting fake news so again we discourage people to do this," ayon kay PNP chief Archie Gamboa. 

Kabilang sa mga post ang mga umano'y gumagalang holdaper at magnanakaw at pagbabanta ng pananakit. 

Kinumpirma naman ng PNP ang nangyaring pananaksak sa isang senior citizen na sa loob ng kaniyang bahay gabi ng Huwebes. 

30 beses sinaksak ang biktima, pero cellphone lang umano ang nawawala at wala ring forced entry sa bahay, ayon sa pulisya. 

Pero nilinaw ni Metro Manila police chief Maj. Gen. Debold Sinas na wala itong kinalaman sa lockdown. 

Dagdag pa ni Sinas na bumaba pa ang crime rate sa Metro Manila dahil sa lockdown. 

Nakiusap na rin ang PNP sa mga lokal na pamahalaan na tulungan silang piliting huwag lumabas ang kanilang mga residente. 

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.