Isang PUM sa Negros Occidental, umalis sa mandatory quarantine

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 11:23 AM

Tumakas ang isang person under monitoring sa sakit na novel coronavirus habang isinasailalim sa mandatory quarantine sa Negros Occidental nitong Huwebes ng gabi.

Napag-alamang wala na sa kanyang kwarto ang PUM na kinilalang si Felix Alejo bandang alas-6 ng gabi.

Siya ang isa sa 90 na mga na-stranded na pasahero mula sa Clark, Pampanga na dumating sa Bacolod-Silay Airport kahapon.

Dahil itinuturing silang mga PUM isinailalim muna silang lahat ng provincial government sa 14-day quarantine period sa isang resort sa Murcia na katabing bayan ng Bacolod City.

Matapos ang apat na oras mula sa pagkakatakas natagpuan si Alejo ng mga awtoridad sa kanyang bahay sa isang subdivision sa Bacolod City.

Kaagad siyang dinala ng pulis sa resort para tapusin ang kanyang quarantine period.

Ayon kay Negros Occidental Police Provincial Director Police Col Romeo Baleros, umalis umano si Alejo sa resort dahil akala umano nito na para lang sa nanggaling sa Metro Manila ang pagsasailalim sa quarantine at siya ay nagmula lamang sa Pampanga.

Dahil dito, sasampahan si Alejo ng mga awtoridad ng kasong paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of the Public Health Concern Act at Disobedience to a Person in Authority or Agents of such Person.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.