PatrolPH

Ilang rider ng delivery services umaaray sa epekto ng Luzon lockdown sa kita

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 02:12 PM

Ilang rider ng delivery services umaaray sa epekto ng Luzon lockdown sa kita 1
Nakahilera ang ilang food delivery rider sa checkpoint ng checkpoint Marikina City at Antipolo, Rizal. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Umaaray ang mga delivery boy at courier services kahit tuloy pa rin ang kanilang trabaho sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) 

Ang food delivery driver na si Roger Dollentes, sinisikap ang lahat para makakuha ng orders.

Wala kasi aniyang masyadong bukas na mga restoran sa harap ng ipinatupad na quarantine. 

Ayon kay Dollentes, kuntento siya ngayon sa kitang P400 hanggang P500 sa pagdedeliver ng pagkain. 

Alam naman ng isang express delivery rider ang panganib ng kaniyang trabaho dahil lantad din sila sa mga kustomer na hindi tukoy kung karga nga ba ang coronavirus. 

Pero dahil kailangang kumita para sa pamilya, tuloy pa rin siya sa paghahanapbuhay. 

Sa ngayon hanggang limang biyahe nalang ang kinakaya ng nasabing driver para malimitahan ang contact sa mas maraming tao.

Batay sa enhanced community quarantine, tigil-biyahe muna ang mga sasakyan at nililimitahan ang paglabas ng mga tao sa bahay. 

Hindi saklaw ng quarantine ang cargo at food delivery services, ayon sa Department of Trade and Industry.

— Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.