PatrolPH

COVID-19 bayanihan: PUP gumawa ng lokal na bersiyon ng ethyl alcohol para sa frontliners

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 04:57 PM | Updated as of Mar 20 2020 06:38 PM

COVID-19 bayanihan: PUP gumawa ng lokal na bersiyon ng ethyl alcohol para sa frontliners 1
Contributed photo

MAYNILA - Sinimulan na ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang lokal na produksiyon ng ethyl alcohol bilang dagdag tugon laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Dr. Armin Coronado, director ng PUP Institute for Science and Technology (ISTR), Marso 11 nang makagawa sila ng pilot batch ng 2 litrong ethyl alcohol na alinsunod sa requirements at standards ng Food and Drug Administration (FDA).

"Ang directive namin initially for PUP community consumption lang muna tapos bigla tayong nag-lockdown, ang priority namin ngayon mga frontliner ng PUP then ang surplus ibibigay namin sa frontliners sa malapit na barangay sa PUP at iba pang nangangailangan," pahayag ni Coronado sa ABS-CBN News sa panayam sa telepono Biyernes ng hapon.

 

Ito'y habang nagkakaubusan na ng supply ng alkohol sa merkado sa taas ng demand dala na rin ng takot ng publiko sa COVID-19.

Sabi ni Coronado, may nagawa na silang karagdagang 40 litro ng ethyl alcohol nitong Huwebes at hinihintay na lamang nila ang direksiyon kung kanino ito ibibigay.

Tanging maliliit na batches pa lamang aniya ang nagagawa ng kanilang team mula reaserach and development hanggang physical at biological testing.

Bukod sa kaniya at kay licensed chemist at faculty member Christian Jay Cambiador, may kasama rin silang researcher, volunteers at maging alumni sa kanilang grupo.

"Ang problema, hindi pa tayo nakapag-large scale production kasi wala pa tayong raw materials. Ubos na rin raw materials natin ngayon but we are trying to get raw materials from our suppliers para makapag-produce ng mas madami," sabi niya.

Paliwanag ni Coronado, sa direksiyon ng PUP President na si Manuel Muhi, maaari silang gumawa ng mas maraming produkto na ibabahagi din ng libre sakaling may magbigay sa kanila ng raw materials.

Sa ngayon, wala aniyang balak ang unibersidad na ibenta ang produkto.

"After itong crisis natin we can continue this siguro tapos ipapa-FDA approve namin siya. Tapos we could probably sell this product at a lower cost. But not this time," sabi niya.

Inirekomenda umano ni Dr. Ma. Liza Yanes ng PUP Medical Services Department ang ethyl alcohol dahil bukod sa epektibo, mas ligtas itong gamitin sa balat.

Unang target ng grupo ang makagawa ng 20 gallons ng ethyl alcohol kada buwan. Pero dahil sa nagbabagong sitwasyon kaugnay sa pagkalat ng COVID-19, ang bagong target nila ay makagawa ng 60 gallons kada buwan.

"Triple from the initial. Nag-evolve na 'yung initial plan na for us lang sa PUP community," sabi niya.

Hindi naman aniya ito problema para sa kanila sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine dahil malapit lang sa campus ang kanilang mga bahay. Ang iba naman ay nago-online na lamang. 

Sa opisyal na Facebook page ng PUP, sinabi doon na ang manufacturing at distribusyon ng lokal na alkohol ay inaasahang mauumpisahan muli bago matapos ang buwan na ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.