COVID-19 bayanihan: Grupo nagtahi, namigay ng libreng face mask

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 03:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtahi at namigay ng libreng face mask ang isang grupo ng mga residente sa Caloocan para tulungan ang kanilang mga kabarangay na makaiwas sa novel coronavirus (COVID-19).

Kuwento ng mananahing si Jason De Vera, kilala rin bilang "Bea Bhie", nasa 1,000 piraso ng face mask ang nagawa ng kaniyang grupo kamakailan.

"Iyong mga ginawa po namin, kung sino po iyong maabutan namin sa kalsada, sa barangay namin, iyon ang binibigyan namin... Naka-1,000 plus po kaming free face mask," kuwento niya sa panayam ng DZMM.

Nahinto aniya ang proyekto kamakailan dahil naubusan sila ng materyales. Para sa mga interesadong mag-donate ng garter, tela, sinulid at karayom maaari aniyang makipag-uganayan sa Facebook page na Bea Bhie.

Nakapagtala na ang Pilipinas ng 217 kaso ng COVID-19, kabilang na ang 17 na nasawi at 8 na gumaling mula sa sakit.

Isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa community quarantine hanggang Abril 12 para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

DZMM, Marso 20, 2020