18 manggagawang nagtangkang maglakad pauwing Tarlac, hinatid ng mga awtoridad

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2020 05:02 AM | Updated as of Mar 20 2020 03:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Ilang mga awtoridad ang naghatid sa 18 manggagawang na makauwi matapos magtangkang maglakad lang papunta sa kanilang mga tahanan sa Tarlac mula Parañaque City nitong Huwebes. 

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Directorate for Police Community Relations Josef Leo Angeles, nakita nila ang post sa social media na may kinalaman sa 18 na manggagawa at agad na umaksyon.

"Immediately nagpunta kami to bring some food. Sabi nila, gusto makauwi sa probinsya sa Tarlac. Sa abot ng makakaya, kinontact natin kasama sa PNP. We were able to provide a transport vehicle for them," ani Angeles.

"Hindi lang kami sa ganitong pagkakataon tumutulong. Sa lahat ng paraan na pwede kami tumulong, para maibsan ang nararanasan nating krisis."

Lampas alas-6 ng umaga'y nakauwi na ang mga manggagawa sa kani-kaniyang mga tahanan, ayon sa mga awtoridad. 

Ang mga lalaking manggagawa ay mula sa isang kumpanya sa Parañaque City na natigil ang operasyon bunsod ng Luzon-wide community quarantine.

"Sobrang apektado kami, ang hirap, 'yung pag lockdown, 'di namin inexpect na titigil trabaho namin. Nag-declare na tigil operation, nagpursige kami. Kaysa mabaon kami sa utang sa kumpanya sa barracks namin. Siyempre, pinapakain kami ng boss, 'di pwedeng 'di namin bayaran 'yon," ani Leonardo Gier, isa sa mga manggagawa.

Polisiya sa kanilang kumpanya ang "no work, no pay" kaya naman pinili nilang umuwi na lamang. Bilang walang masakyan, nagtangka silang maglakad. 

"Uwi po kami ng Tarlac, kaya lang sa kasamaang palad, wala kaming masakyan. Naglakad kami mula sa Sucat sa Parañaque at umabot kami dito sa Muñoz, dito po kami pahinga, 'di na namin kaya, masakit na paa namin," ani Joey Lagman, isa sa mga manggagawa. 

"Sir kasi, hindi naman libre pagkain namin. Babayaran namin pagkain namin, 'di kami nagtatrabaho. 'Di namin kasama pamilya namin. Ang layo ng iniisip namin. Gusto namin kasama namin pamilya namin.," dagdag ni Lagman. 

Bitbit lamang ng mga manggagawa ang isang linggong sahod. Lumapit sila sa isang barangay hall pero hindi sila pinatuloy sa takot na carrier sila ng kumakalat na coronavirus 2019 (COVID-19).

Kaya naman nagpatuloy sila sa paglakad at nagpahinga sa kanto ng Muñoz at Congressional Avenue bago maabutan ng ABS-CBN News. 

"More than 7 hours, mga 10. Nilakad namin kainit-initan. 11 a.m. umpisa, kanina lang kami natapos. 'Di na namin kinaya," ani Lagman.

"Napakahirap na maglakad, 'yung 7-10 hours nilalakad namin, hanggang namumulikat na paa namin. Bagsak mga tao. Hintay lang kami umaga, natatakot kami ma-curfew kami. Kaya nagpahinga muna kami hanggang umaga para makauwi sa pamilya," dagdag ni Gier.

Maraming nagpaabot ng mensahe ng tulong nang iulat ang kanilang kwento sa Twitter account ng ABS-CBN. 

Tumugon din ang lokal na pamahalaan ng Tarlac City at nangakong ipapasundo ang mga manggagawa sa sasakyan para hindi na maglakad pa.

Lubos ang pasasalamat ng mga manggagawa gayo'y buhay pa rin ang diwa ng bayanihan sa panahon ng krisis.

"Maraming salamat po, sa Diyos, sa mga tumulong. Mayor, salamat po, narinig panalangin namin. Excited po, matagal na kaming 'di kami nauwi," ani Lagman.

" 'Di ko mapaliwanag, masayang masaya po na makakapiling namin pamilya namin. Maraming salamat po sa inyo sa ABS-CBN, sa kapulisan," Gier.

Isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansa sa state of calamity kasunod ng paglagay sa buong Luzon sa enhanced community quarantine bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa huling tala ng Department of Health nitong Huwebes, aabot sa 217 ang kaso ng may COVID-19 kung saan nananatiling 17 ang namatay at 8 naman ang gumaling na.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.