Tanggapan ng MWSS, Manila Water kinalampag dahil sa water shortage

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2019 03:49 PM | Updated as of Mar 21 2019 04:37 PM

Sumugod ang mga nagpoprotestang grupo sa mga tanggapan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Manila Water sa Quezon City nitong Miyerkoles upang ireklamo ang pinsalang idinulot ng water shortage noong nakaraang linggo.

Bitbit ang mga placard, planggana, at balde na walang laman, kinalampag ng grupong Akbayan ang dalawang opisina at tinanong kung bakit sila pumalpak sa serbisyo. 

Ayon kay Jah Bringas ng Akbayan, kung totoo ang paghingi ng tawad ng Manila Water ay dapat huwag na daw nilang pagbayarin ang mga kostumer na naapektuahan ng water shortage.

"Palpak ang serbisyo ng Manila Water, nararapat lamang na hindi magbayad ang consumers nito," aniya.

Bukod aniya sa krisis sa suplay ng tubig, dapat ding pagtuunan ng pansin ang krisis sa pamamalakad ng MWSS na siyang nangangasiwa sa operasyon ng water concessionaires sa bansa. 

Giit ng Akbayan, patuloy silang magpoprotesta para singilin ang MWSS at Manila Water ang perwisyong idinulot ng mga ito.

Sa huling ulat ng Manila Water, sinabi nilang naibalik na ang suplay ng tubig sa halos lahat ng kabahayang sakop ng kompanya, pero mananatili pa rin ang water interruption sa kabila nito.

Tinatayang higit 1 milyong konsumer na nakadepende sa Manila Water ang naperwisyo ng isinagawa nitong operational adjustment noong nakaraang linggo. 


—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.