PatrolPH

Scam na pag-ibig? Immigration nagbabala laban sa mga manloloko

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2019 03:54 PM

Nanawagan ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko na maging alisto sa mga nakikilala nila sa mga international dating sites. 

Ito ay matapos maiulat na aktibo na muli ang sindikato sa Cebu na nambibiktima ng mga Pinay sa online dating site. 

Lumipat noon sa Maynila ang operasyon ng sindikato at napatakbo ito hanggang sa isinapubliko ang kanilang modus noong 2015. 

Ayon kay BI spokesperson Dana Krizia Sandoval, modus na ng mga sindikato na kaibiganin at ligawan ang mga target nilang Pilipina online. 

May pagkakataon din umanong nagpapadala ng mga regalo ang foreign national sa biktima at sa pamilya nito para makuha ang tiwala niya at gagawin na ang nasabing modus pag "nakarating" na ito ng bansa. 

"Upon their supposed arrival, the victim will receive a call from someone pretending to be an Immigration officer, explaining that the foreign national is in trouble and demanding that money be sent right away,” ani Sandoval. 

(Makakatanggap ng tawag ang biktima sa isang nagpapanggap na Immigration officer at sasabihing nasa panganib ang foreign national at nanghihingi ng pera.) 

"After sending the amount, the victim loses contact with said foreigner," dagadg niya. 

(Hindi na matatawag ang nasabing foreigner kapag natanggap na ang pera.) 

Iginiit ng Immigration na mapapasa-kustodiya lang nila ang mga dayuhan kapag may nagawa silang paglabag. Sa pagkakataong hindi makakalusot sa Immigration gate ang foreigner ay ililipat ito sa susunod na flight pabalik sa kaniyang bansa. 

Nanawagan si Immigration commissioner Jaime Morente na maging alisto sa mga tatanggaping mga panauhin mula sa ibang bansa. Mainam din aniyang malaman ang flight number ng eroplano para matiyak kung tunay ito o hindi. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.