Estero de Magdalena puno na naman ng basura

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2019 03:21 PM

Matapos ang serye ng clean-up operation at relocation ng mga informal settlers noong nakaraang taon, muli na namang nakitaan ng sangkaterbang basura ang Estero de Magdalena sa Maynila nitong Miyerkoles. 

Matatagpuan ang Estero de Magdalena sa kahabaan ng C.M. Recto bago ang kanto ng Benavidez sa Maynila o sa direksiyon patungong Divisoria.

Naging viral sa social media ang mga kuha sa estero noong 2018 dahil ang sana'y tubig, nalalakaran na bunsod ng tone-toneladang tambak ng basura.

Dati na itong nilinis ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila at iba pang grupo pero nagsibalikan umano sa dating gawi ang mga nakatira sa paligid ng estero.

Sa Sabado, magpupulong ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga lokal na opisyal para ilatag ang plano para sa malawakang cleanup ng higit 200 estero sa Maynila, kabilang na ang Estero de Magdalena. 

Parte ang paglilinis ng isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay. 


—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.