PatrolPH

Dalagita, na-gang rape sa Maynila; 3 lalaki tiklo, 3 iba pa pinaghahanap

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2019 07:33 AM | Updated as of Mar 20 2019 07:53 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Arestado ang 3 lalaki matapos umano nilang gahasain ang isang dalagita sa Tondo, Maynila.

Kuwento ni alyas Ivy, inaya siyang mag-inuman ng malapit na kaibigan na si alyas Roy sa bahay nito Martes ng madaling-araw.

Nawalan umano siya ng malay at nagising nalang na hubo't hubad sa isang kuwarto. Nakapatong din umano sa kaniya ang isang lalaki na si alyas Jun.

"Pilit po akong pumupiglas pero ayaw pong tumanggal nung lalaki," aniya.

Matapos ang pangyayari, umuwi ang 16 anyos na biktima at nagsumbong sa kaniyang ina.

Unang naaresto ng Manila Police District (MPD) Station 1 si Roy, 18 anyos. 

Dinampot din ang kuya nitong si alyas Mike, 20 anyos, na nasa bahay nang mangyari ang insidente.

"Wala po siyang damit tapos tinakpan ko po siya ng kumot," pahayag nito.

Huli rin si Jun, 25 anyos, na umamin sa nagawang krimen dahil sa kalasingan.

"Habang ginagalaw ko po siya, parang walang lang," depensa nito.

Ayon kay Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo ng Raxabago Police Station, posible umanong hinaluan ang ininom ng biktima kaya agad itong nawalan ng malay.

"Shot shot lang tapos bigla siyang nag-blackout... Set-up ito. Pagkatapos nawalan ng malay, pinilahan na nila 'yung bata," aniya.

Pinaghahanap din ng mga pulis ang 3 pang lalaki na kasama sa inuman at umano'y panggagahasa.

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.