6 sa 10 employer OK sa pag-hire ng K-12 grads: survey

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2019 05:48 PM | Updated as of Mar 20 2019 09:54 PM

Watch more in iWantTFC

Dumarami na ang mga employer na bukas sa pagha-hire ng mga aplikanteng graduate ng K to 12, ayon sa isang pag-aaral. 

Sa survey na isinagawa ng job portal na Jobstreet sa 500 employer mula Oktubre hanggang Disyembre 2018, lumalabas na 6 sa 10 employeer ang bukas sa pagtanggap ng K to 12 graduates. 

Mas mataas ito kaysa noong 2016 kung saan apat lang sa kada 10 employer ang payag na tumanggap ng K to 12 graduate. 

Tingin ni Jobstreet Philippines country manager Philip Gioca na makakatulong ang datos sa pag-impluwensiya ng iba pang employer na maging mas bukas sa pagha-hire ng K to 12 graduates na applicants. 

"Sa experience of hiring nakita nila na puwede naman so eto nakatulong ito makaimpluwensya sa iba pang employers," aniya. 

Ayon pa sa Jobstreet, karamihan pa rin ng mga trabahong inaalok sa K to 12 graduates ang entry-level positions sa business process outsourcing, manufacturing, professional services, retail, at machinery. 

Pero tingin nila na kakulangan sa kompiyansa sa edad ng aplikante ang nakikitang dahilan kung bakit hindi pa bukas ang iba pang kompanya sa nasabing ideya. 

Ayon kay Bureau of Local Employment Director Dominique Tutay, papakinggan nila ang komento ng mga employers. Nakikita rin kasi nilang problema ang pakikihalubilo ng mga entry level K to 12 graduates. 

Ayon sa BLE, aabutin hanggang 2021 ang transition period ng K to 12 Program at magkakaroon sila ng assessment ngayong taon para magamit ng Department of Education sa pag-aayos ng curriculum. 

Ayon sa DepEd, nasa 1.3 milyon ang magtatapos sa Grade 12 ngayong Marso at Abril. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.