2 tiklo sa pagpatay sa Davao del Sur

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2019 04:05 PM

Pagnanakaw ang nakikitang motibo ng pulisya sa pagpatay sa 57-anyos na biktima. Kinuha umano ng mga suspek ang pera at alahas ng biktima. Larawan mula sa Santa Cruz Police

SANTA CRUZ, Davao del Sur – Dalawang lalaki ang arestado, kabilang na ang isang menor de edad, matapos umanong aminin ang pagpatay sa isang 57 anyos na lalaki sa Barangay Zone 2 noong Sabado ng madaling araw.

Nakilala ang mga suspek na sina Daniel Tundang at ang 17-anyos na si “Don-Don.”

Natagpuang nakalubog sa ilog ang bangkay ng biktimang si Dionisio Yangson. 

Ayon sa suspek na si Daniel Tundang, nag-inuman sila ng biktima Biyernes ng gabi at sabay na umalis Sabado ng madaling araw.

Hindi raw nagkaintindihan ang biktima at pinsan ni Tundang na si Don-Don kaya pinagtulungan nilang lunurin sa ilog ang matanda.

Pero lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na pagnanakaw ang isa sa motibo sa pagpatay. Kinuha umano ng mga suspek ang pera at alahas ng biktima.

Ayon kay Police Capt. Mary Grace Martinez, posibleng pinukpok ng bato ang ulo ng biktima at nang mawalan ng malay, inihagis ito sa ilog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.