VIRAL: Pulis nag-propose sa tabi ng mall sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 10:57 AM | Updated as of Dec 07 2018 12:31 PM

DAVAO CITY - Kinilig ang mga empleyado ng isang mall dito sa lungsod nang masaksihan ang proposal ng isang pulis sa kasamahan nilang sales clerk.

 

Sa tulong ng kaniyang mga kasamahang police, nagpropose si PO1 Rutherford D. Echivarre sa nobya niyang si Giem Cristy Tumala sa parking lot ng mall kung saan ito nagtatrabaho.

Ayon kay PO1 Echivarre, Marso 12 nang magdesisyon siya na gawin ang proposal habang pauwi mula sa trabaho ang kaniyang nobya.

Base sa nagviral na video ng proposal, nasa gitna ng parking lot si Tumala nang paikutan siya nang mga may wangwang na motorsiklo.

Nang matapos ang pagpapaikot-ikot ng mga motor ay naglabas ang mga rider ng banner na may nakasulat na: "Will you marry me?"

Saka naman bumaba mula sa isa pang motorsiklo si Echivarre upang lumuhod at ibigay na ang singsing sa kaniyang nobya nang mahigit na 8 taon.

Natapos ang video nang magpasabog nang confetti at tanggapin ni Tumala ang isang bouquet na iniabot sa kaniya.

Ngayong Mayo nakatakdang magpakasal ang dalawa sa simbahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.