Tatay ng pamilyang nabagsakan ng eroplano, walang poot o galit

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 05:21 PM

Nagpapatuloy ang pagdating ng mga nakikiramay sa pamilya Dela Rosa sa Santa Cruz Chapel sa Barangay Lumang Bayan sa Plaridel, Bulacan nitong Martes. 

Ang tahanan ng pamilya ang nasapul ng bumagsak na eroplano noong Sabado, kung saan namatay ang limang sakay nito pati na rin ang limang katao sa loob ng tahanan. 

Nanananghalian lamang umano ang pamilya nang maganap ang insidente.

Tatlong araw makalipas ang malagim na trahedya, magaan na raw sa loob ng padre de pamilyang si Noel Dela Rosa na pakawalan ang kaniyang mga mahal sa buhay dahil iniisip na lang niyang mapupunta sila sa mas magandang lugar.

Walang poot at galit at puro magagandang alaala raw ang nais niyang baunin sa paghatid niya sa kaniyang pamilya.

Naniniwala rin siya na may dahilan kung bakit sinapit ng kaniyang pamilya ang aksidente at nakahanda siyang harapin ang buhay nang may pag-asa at lakas ng loob, lalo na para sa kaniyang dalawang anak na naiwan. 

Ihahatid na sa kanilang huling hantungan ngayong Martes ng hapon ang mag-anak.

Kabilang dito ang asawa ni Noel na si Rizza Dela Rosa, mga anak nilang si Joel Noel, Noel Timothy, at Crrizza Nhoelle, at ina ni Rizza na si Luisa Santos. 

Ala-una ng hapon nakatakda ang huling misa sa St. James bago ihatid ang lahat ng namayapa sa kanilang libingan.

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN Newsz

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.