Sunog sa Manila Pavilion na ikinasawi ng 5, 'di bunsod ng welding'

ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2018 12:21 AM | Updated as of Dec 07 2018 02:44 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umakyat sa lima ang bilang ng kumpirmadong patay, isa ang kritikal, at hindi bababa sa 20 ang sugatan sa sunog sa Waterfront Manila Pavilion sa Ermita, Maynila na tumagal ng higit isang araw.

Pawang mga empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga namatay sa insidente, kabilang ang isang guwardiya, dalawang CCTV operator, at dalawa mula sa treasury office.

Bandang alas-10 ng umaga noong Linggo, Marso 18, nagsimulang magliyab ang gusali at alas-11 ng umaga nitong Lunes tuluyang naapula ang sunog.

Nagsimula ang sunog sa gaming area sa unang palapag ng hotel, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), pero inaalam pa ang sanhi nito.

Umabot hanggang sa ikapitong palapag ang pinsala sa gusali, sabi ng BFP.

Inamin din ng BFP na nahirapan silang pasukin ang gusali para mapigilan ang pagkalat ng apoy.

"Usok pa rin ang pinaka-number one natin na kung saan nahihirapan ang mga bombero, rescuers... Kung bakit mausok, ito 'yong dahil sa mga nasusunog na mga kahoy at carpet," ani Senior Superintendent Roel Jeremy Diaz, regional director ng BFP sa Metro Manila.

Muling sumiklab ang apoy sa isang bahagi ng gusali nitong Lunes, bago mag-alas-5 ng hapon, dahil sa malakas na hangin pero agad din itong naapula.

Sabi naman ng isang parokyano ng hotel-casino na naroroon sa loob nang magkasunog, wala umanong fire alarm o sprinkler kahit mausok na sa hotel.

"So I talked with the manager, sabi ko mayroong amoy sunog. Then he goes back, sabi niya, 'Ma'am, tayô na po táyo,'" sabi ng hotel customer.

"Sobrang dilim na dahil sa usok... Sad to say, wala kaming narinig na alarm," dagdag pa ng customer.

Nakiramay naman ang pamunuan ng PAGCOR sa kaanak ng mga nasawi nilang empleyado at handa silang magpaabot ng tulong sa mga naulilang pamilya.

Makatatanggap ang mga kaanak ng P100,000 bilang ayuda, sabi ni PAGCOR Chairperson Andrea Domingo.

Isang diyalogo rin ang idaraos ng PAGCOR kasama ang mga kaanak ng mga biktima.

DAHIL SA WELDING?

Kuwento naman ni Normyla Mercado, isang slot operations officer ng casino, naiulat niya sa internal security ang welding na isinasagawa sa isang escalator ilang minuto bago sumiklab ang apoy.

"Iyong spark ng welding, lumalabas na sa area, sa gaming area, so tinawag ko iyong taga-security," sabi ni Mercado.

Pero itinanggi naman ng pamunuan ng Manila Pavilion sa isang press conference ang ulat na nagsimula sa welding ang sunog sa hotel.

Nilinaw din ni Jimmy Bondoc, PAGCOR assistant vice president for entertainment, na bagaman pinili ng mga namatay na gampanan ang kanilang mga trabaho ay hindi naman ito mandato sa kanila.

"Walang kahit anong mandato ang PAGCOR na unahin iyong pera kaysa sa sarili nila," sabi ni Bondoc.

Nangako rin ang pamunuan ng Manila Pavilion na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

MGA BIKTIMA, INALALA

Labis naman ang pagdadalamhati ng kaanak at mga kakilala sa sinapit ng mga biktima sa insidente.

Ang isa sa mga namatay na si Marilyn Omadto, isang assistant treasury officer, makikipagkita pa sana sa kaniyang kapatid na si Jessica.

"Sabi po nila responsibilidad nila ang treasury kasi pera ang pinanghahawakan nila, parang ginampanan ng ate ko iyong tungkulin niya," kuwento ni Jessica.

"Masakit sa'min pero 'di na namin maibabalik," dagdag ni Jessica.

Kasama namang nagmadaling lumabas sa gusali ni Romeo Ocampo ang kapwa CCTV operators na sina Jocris Banang at John Mark Sabido.

Pero nahiwalay si Ocampo sa dalawa dahil sa makapal na usok.

"Gusto nila sumunod sa'kin, siguro no'ng nakita nilang ganoon kakapal iyong usok tapos madilim pa, di na sila tumuloy," kuwento ni Ocampo.

-- Ulat nina Ernie Manio, Raphael Bosano, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.